SANGA-SANGANDILA Ni Veronica R. Samio
Tuesday, April 22, 2008
Isa ako sa mga naimbita ng kaibigang Jim Acosta ng Psalmstre para ipagmalaki ang isang Pinay singer na mabilis na gumagawa ng pangalan sa Hong Kong. Unfortunately, 24 hours akong late nang dumating sa imbitasyon niya kaya na-miss kong makita’t makausap ang Pinay diva. Naimbita lamang ako para maging isang hurado sa Walang Tulugan ni Kuya Germs nung Sabado at nagkataon namang guest siya kaya kami nagkita’t nagkakilala.
Mikey Sorra ang pangalan niya, kilalang-kilala na sa Hong Kong, lalo na ng mga Pinoy dahil walong taon na siyang nagtatrabaho dun bilang singer sa mga kilalang lugar tulad ng Harbor Plaza Hotel, Aberdeen Court Hotel, atbp. Bukod sa HK, nakapag-perform na rin siya sa Shanghai, Macau, Guangzhou at Shanghai in China, atbp. Si Mikey din ang endorser ng mga produkto ng Psalmstre sa nasabing bansa.
May isang album na nai-record at nai-release siya sa HK. Naging special guest pa niya sa kanyang launching si Randy Santiago na nagkataon naroroon para sa promosyon ng TFC.
Walang balak gumawa ng album si Mikey. Gusto niyang maging titser kaya nagtapos siya ng Bachelor in Secondary Education. Sa kolehiyo, natuon ang pansin niya sa pag-arte sa stage, ito ang pinagbutihan niya kaya siya nabigyan ng scholarship at natapos ng pag-aaral.
Nang dumating ang pagkakataon na makapag-abroad, hindi na siya nag-isip pa, agad siyang umalis. Sa HK nagsimula siyang kumanta. Sa mga libreng oras niya ay nakapag-compose siya ng mga kanta na naisipan niyang ilagay sa CD. Mabuhay ang titulo ng album at ilan sa mga nilalaman nito ay patok na sa mga Pinoy OFWs sa HK tulad ng Papa, Mama, Catanduanes, Praning, atbp.
It was Jim Acosta who convinced her to come home and release her album here.
“Magandang halimbawa si Mikey ng isang OFW na kapakanan ng pamilya ang iniisip kaya nagsusumikap sa HK. May puso rin ito sa mga kapwa niya Pilipino kaya’t naka-dedicate sa kanila ang ilan sa mga awitin niya. At higit sa lahat, marunong itong lumingon sa bansang pinanggalingan,” ani G. Acosta.
Nagsimula nang mapanood si Mikey sa TV (Unang Hirit, Buhay Pinoy, Walang Tulugan) at umiikot na sa mga istasyon ng radyo. Pagkatapos nito ay magkakaro’n siya ng promo tour sa Baguio, Pangasinan, Bicol at Masbate.
Recent comments
9 hours 2 min ago
5 days 6 hours ago
1 week 1 day ago
1 week 4 days ago
1 week 6 days ago
3 weeks 7 hours ago
3 weeks 3 days ago
4 weeks 3 days ago
6 weeks 2 days ago
6 weeks 3 days ago