OPISYAL NA PAHAYAG
“Para sa Bayan, kay Cong. JAS at Gob. Boboy Cua”
PIGLAS-TUGON INTERNASYUNAL
(Pinag-Isang Galing at Lakas Tungo sa Ugnayang Tawag ng Panahon-INTERNASYUNAL)
Tripoli, Libya
Pagbati!
Sumadsad na sa pinakamababang-antas ang kabuhayan ng mga Pilipino taliwas sa pinangangalandakan ng kasalukuyang administrasyon na diumano’y gumaganda’t tumatatag ang ating ekonomiya. Nababalot ang buong bansa ng todo-todong kahirapan dala ng hindi masawatang kurapsiyon, pandaraya, malawakang-sabwatan ng mga nasa poder, lantarang pagmamanipula ng ehekutibo sa mga sangay ng gobyerno at ang pansasalaula ng hudikatura sa ating Saligang-Batas. Damang-dama ng masa ang matinding pagkagutom, hindi lamang sa pagkain kundi sa Katotohanan at Hustisya. Tunay na ang pamahalaan ni Gloria ang pinaka-matinding SALOT na humahambalos ngayon sa masa’t sambayanan. Maagang pinisa ng pamahalaan ang nakaambang krisis sa suplay ng bigas para pagtakpan ang samutsaring iskandalong kinasasangkutan ni Gloria Macapagal-Arroyo at mga kasapakat nito.
Totoo na hindi sapat ang lokal na suplay ng bigas, ngunit hindi pa hinog ang panahon para magdeklara ng “Rice Crisis” sa bansa. Maaari pang-itaas ang kalidad ng ating produksiyon kung seryosong ipapatupad ng pamahalaan ang pagpapatigil sa walang-habas na kombersyon ng lupang-sakahan para maging lupang-komerysal. Pinapa-igting ng Malakanyang ang usapin hinggil sa kakulangan sa bigas para ilihis ang atensyon ng masa at buong mundo sa isyu ng multi-milyong nadambong sa ZTE-Broadband Deal, multi-bilyong nakaw sa Swine Program ng Department of Agriculture/Quedancor, multi-milyong kupit sa Fertilizer Scam, Election Fraud at mga krimeng demonyo lang ang maaaring gumawa.
Naniniwala ang Komite Sentral ng PIGLAS-TUGON na tanging si Gloria lamang, at kanyang mga alipores ang naghahangad na magkaroon ng “Rice Crisis” sa Pilipinas. Iskema ito para isulong ang kanilang pulitikal na mithi at pansariling-interes. Sa puntong ito, papasanin ng taumbayan ang pagdurusa, ngunit ang mga nasa posisyon ang magpapakasasa sa yaman at kapangyarihan.
Ang isyu ng “Krisis sa Bigas” ang sasalba kay Gloria para mapalawig ang kanyang panunungkulan. Maaari rin itong maging sangkalan para makapag-deklara ang Malakanyang ng State of Emergency na magbibigay kay Gloria ng Emergency Powers na lalong maglulublob sa sambayanan sa kumunoy ng pagkabigo at pagdurusa. Gagawin nila itong dahilan para maka-utang sa ibang bansa, at ang perang mauutang ay magiging pala-bigasan at huthutan ng mga walanghiya sa lipunan. Nagiging sunod-sunuran ang ating pamahalaan sa kapritso ng mga Dayuhang Imperyalista sapagkat isinanla na ng Malakanyang ang kasarinlan ng ating bayan. Tuluyan nang nagpaka-tuta ang rehimeng Arroyo sa Amerika-World Bank-International Monetary Fund at mga bansang mapagsamantala. Hindi maipagkakailang lubos na karimarimarim ang kasalukuyang estado ng ating lipunan. Sa kasaysayan, marahil ito na ang pinakamatinding hagupit na nararanasan ng taumbayan.
Nanawagan ang PIGLAS-TUGON INTERNASYUNAL sa mga mamamayan na makilahok sa pagkilos para sa Pagbabago, Hustisya, Katotohanan, Katarungan at Kalayaan. Hinihikayat din ang lahat na miyembro ng samahang ito, mga alyadong organisasyon sa lahat na sektor ng lipunan na ipagpatuloy ang labang nasimulan. Lalong-lalo na, nanawagan tayo kay Cong. Joseph “JAS” Santiago, Gov. Boboy Cua at mga lokal na lider na makiisa sa laban ng masang nagluklok sa kanila sa puwesto. Panahon na para tumiwalag sa Pangulong sagad-sagarin ang pangungurakot at kawalanghiyaan! Isantabi ang personal at pulitikal na interes! Isulong ang kapakanan ng Sambayanan!
DONNA QUINTANA
Tagapagsalita
PIGLAS-TUGON INTERNASYUNAL
International School for Political Studies
Tripoli, Libya
Email: donna_quintanapti@yahoo.com / wildsampaguitax@yahoo.com
Group: PIGLAS_TUGON-INTERNASYUNAL@yahoogroups.com
Recent comments
1 day 10 hours ago
1 week 3 days ago
1 week 6 days ago
1 week 6 days ago
2 weeks 2 days ago
2 weeks 6 days ago
3 weeks 1 day ago
3 weeks 1 day ago
3 weeks 6 days ago
5 weeks 22 hours ago