Minsan Sa Gitna Ng Disyerto

Alvis's picture

Una sa lahat, maraming salamat sa mga kababayan natin sa abroad. Alam n’yo bang kayo ang Number One readers namin. Kaya naman, hayaan n’yo akong bumati sa inyo ng isang manigong bagong taon.

Minsan na rin akong nangarap, tulad ng marami sa atin, na guminhawa ang buhay. Lumisan na rin ako minsan sa bayang kinalakhan. Dalawang taon kong tiniis ang init sa disyerto sa paniniwalang matatagpuan ko ang dulo ng bahaghari at mahanap ang gintong doon ay nakatago. Hindi ko nakita ang gintong hanap, subalit hindi ko ipagpapalit ng ilang kabang ginto ang aking karanasan.

Hayaan n’yong ibahagi ko sa inyo ang lungkot at saya, ang luha at tawa, na tanging yaman kong naiuwi sa Pilipinas. Hayaan n’yo akong magpa-kyut, hayaan n’yong patawanin kayo, hayaan n’yong minsan ay kurutin ko ang inyong damdamin para naman maiba ang usapan at hindi na lamang panay politika o pera, o kaya tsismis at intriga ang inyong mababasa.

Para hindi maintriga, tutula na lang ako. Ito kasi ang naging pampalipas oras ko noong nasa Saudi Arabia pa ako.

Nakilala ko ang ilang mga kabayan sa Saudi noong ako ay nanilbihan doon bilang manunulat sa isang pahayagan. Isa sa mga naging kautotang-dila ko ay si Tembong (Hernan Melencio), isang makata at manunulat. Sa mga oras na wala kaming ginagawa, sumusulat kami ng mga tulang sa tingin namin ay nakakatawa.

Si Tembong Patibong
may mata, may ilong,
nagnakaw ng pagong
sa Saudi nakulong

Tumawag sa OWWA
humingi ng pera
pambayad ng pyansa
lalaya daw sya

Gobyerno na bingi
si Tembong sinisi
bakit nagpahuli
sa among mapanghi

Bakit ka nagnakaw
ng pagong ng bayaw
ng amo mong uhaw
sa ***** masabaw

Ang OWWA'y napundi
si Tembong ginulpi
tapos mabusisi
puwet na umusli

O ‘di ba masaya? Sey n’yo, walang politika. Alam kong marami sa ating mga kababayan sa ibang bansa ang nakaranas na rin ng tulad nang naranasan ni Tembong, o mas malala pa. Sana maibahagi n’yo rin at gawin nating pulutan sa kwentohan o sa kantiyawan habang inuusal natin ang dasal na sana naman maramdaman ng mga nanunungkulan dito sa ating bayan ang pait, hindi, ang hapdi sa puwet ni Tembong.

Ito pa ang isang nakatuwaan namin ni Hernan sa Saudi:

Dear Anita, asawa ko

“Taksil,” sabi mo sa akin
sa huli mong sulat.
“Walang paninindigan,
malandi, babaero,
iresponsable,” sigaw
mo sa telepono.

Limang taon na, Anita,
nang huli tayong magkita,
limang taon na, asawa ko,
nang ako’y magpaalam.

Ang sabi mo kasi noon
gusto mo ng kolor TV at beta
gusto mo ng Saudi gold
at perang ang tawag ay halala
gusto mo ng gas reyns,
karpet at bagong ref
at mga tsokoleyt
na may tatak imported

Isang taon pa lang ako dito
may kolor TV ka na,
at dahil hindi na uso ang beta
pinadalhan kita ng VHS
na may kasamang bala
(wala pang DVD noon
kaya pasensya na)
at ‘di lang halala kundi riyal
ang sa Speedcash ay ipinadala

Aba, Anita, aking asawa,
ang bahay at lupa
ay bayad na sa Pag-IBIG
at may “complete set” ka pa
ng karpet na siniksikan ko
ng mga tsokoleyt na imported.

Tinupad ko ang iyong bilin –
mamahaling gamit,
door-to-door na pagre-remit,
pati na ang pagsasabmit
ng aking “monthly budget.”

Ang sinabi mo lang naman sa akin:
“Mag-ingat ka lagi at
huwag magkasakit.”
Hindi mo naman sinabi
na alagaan ko ang ating pag-ibig.

Kaya nang magpunta si Rose –
ang kumare mong midwife –
inalagaan ko siya
tulad ng pag-aalaga ko sa ‘yo
noong magkasama pa tayo.

May sulat ka pang pinadala:
“Rogelio, dadating si Mareng Rose mo,
alagaan mo siya dahil first timer ang
bruha. Peke pa yata ang bitbit na visa.”

At sinunod ko lang naman
ang bilin mo sa akin. Inalagaan
ko siya at inalagaan niya ako.
Sa panahon ng kalungkutan
at pangungulila, kami’y nag-alagaan.

Malambot pala ang balikat ni mare,
kasing lambot ng balikat mo –
nalaman ko isang Biyernes
nang minsan pareho kaming
“day off” at naglaro ng chess.
Kalauna’y dama naman
ang aming nakahiligan.
Magaling kasi siya
magpasulong ng piyesa.

Marunong din naman siya magluto
lalo na ng itlog na “scrambled” –
iyon ang paborito ko, di ba?
Laging itlog ang almusal natin noon
hanggang umayaw ka na nga
at ako’y iyong pinag-abroad.

At siyanga pala,
mabango ang kanyang hininga,
kasing bango ng sa iyo.
Ang kanyang buhok
ay mas mahaba kay sa sa iyo
at ang kanyang haplos at yakap
ay kasing higpit ng sa iyo –
noong di ka pa nanganak.

Naisip kita, Anita,
sa buwan ng Disyembre
kung kailan malamig ang hangin
at mainit ang aking katawan.
Naisip kita, asawa ko,
sa gabing nanginginig ang laman
sa pagnanasang ika’y makapiling?

Ang sabi mo naman sa akin:
“Kaunting tiyaga pa, Rogelio,
ilang taon pa. Tiisin mo lang,
mabubuo na ang jeep ko
at ang ekstensyon ng kusina
ay matatapos na.
Hindi pa kasi nagbayad
ang mga kumuha ng hikaw,
singsing at kwentas
na iyong ipinadala.
Huwag ka nang malungkot,
nandiyan naman si kumareng
makakausap mo.”

Anita, asawa ko, patawad,
hindi sapat ang palitan namin ng salita
hindi sapat ang pagtitiis at tiyaga
ang chess at dama sa ibabaw ng kama,
ang “scrambled egg” sa kusina,
kaya sa awa ng Diyos, pasensya na,
heto ang kumareng Rose mo,
sa gitna ng magkahalong init
at lamig sa disyerto
nabuntis ko.