2nd Runner Up, Essay Writing Contest - Secondary: Entry #4

Dave's picture

Ang Mina at ang Kalikasan
GINALYN A. GALLARDO

15 years old
Catagbacan, San Andres, Catanduanes
San Andres Vocational School
Coach: Belen Sanchez

“Sarili nating dumi ang papatay sa sarili nating buhay. Ngunit ang masaklap ay wala man lang tayong kamalay-malay.”

Nagsimula ang lahat sa isang isla – isang maliit na isla na halos lamunin na ng karagatang Pasipiko sa liit at layo nito sa kanyang mga karatig – lugar. Ito ang lalawigan ng Catanduanes, kung saan, dito ko nasilayan ang unang pagsikat ng araw, una kong nalanghap ang sariwang simoy ng hangin, una akong nakapagtampisaw sa malinis na dagat, una kong hinimas ang pinakamabait kong alagang hayop, una akong nakaakyat sa mga puno. Higit sa lahat, ito ang pinakamamahal kong isla kung saan una akong nakingiti at nakitawa. Ipinagkaloob sa atin ng Dakilang Lumikha ang lahat ng ating kailangan ditto sa islang ito.

Ito ang magandang larawan ng ating paraiso ang tumatak sa ating isipan at hanggang ngayon ay siya nating tinatamasa. Patuloy ang masaganang ani ng mga kababayan nating magsasaka. Mayaman pa rin ang karagatan sa isda at iba pang lamang –dagat. Marami pa ring puno ang nananatiling nakatindig upang nigyan tayo ng lilim. Kasama pa rin nating nabubuhay ang mga hayop lalo na ang mga kapwa natin Catandunganon sa lungkot at saya ng buhay. Ngunit bakit sa kabila ng walang hanggang kayamanang ito, hindi pa rin nakukontento ang ilan, at kailangan pa nilang magpasimula ng mga gawaing magdudulot ngmatinding kasiraan sa ating kalikasan.

Pagmimina – ito nga ba ay tugton sa kahirapan o kasiraan ng kabuhayan at kinabukasan? Sa gawaing ito nagkakaroon ng trabahong pantugon sa gutom na sikmura ang ibang mga mamamayan. Salamat at naitatawid nila kahit papaano ang kanilang buhay sa araw – araw. Ngunit kabutihan lamang ba ang dulot ng pagmimina? Hindi, kundi lason – lason na maaaring dumaloy sa mga ilog at karagatan, lason na siyang papatay sa ating kabuhayan at lasong papatay mismo sa mga mamamayan. Sa pagmimina, kailangan ding walang habas na putulin ang mga kahoy sa kabundukan sa siyang dahilan ng pagkakalbo nito. Kaya nitong patayin ang mga lamang dagat at hindi malayong kaya rin tayo nitong kitilin. Ito ang larawan ng ating lalawigan na hindi natin dapat payagang tumambad sa ating harapan.

Ramdam na ramdam na rin natin ang galit ng nagngitngit nating kalikasan. Hindi kaila sa atin ang pagbabago ng panahon at dapat din nating malaman na mismong sa atin nagsimula lahat ng ito. Dahil sa makabagong teknolohiya, naimbento ang mga kagamitan at kasangkapang nagbubuga ng masamang hangin na nagdudulot ng pagnipis ng nag – iisa nating pananggalang mula sa delikadong init ng araw. Ang mga “greenhouse gases” mula rito ay dapat makarating sa ating mundo ngunit dapat ay bumalik din sa kalawakan. Ngunit dahil na nga sa polusyon, nagbago ang lahat. Nananatili ito sa etmospera ng mundo na siyang dahilan ng lubhang pag –init sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Dahil din ditto, natutunaw na ang mga malalaking bahagi ng yelo sa pinakahilaga at pinakatimog na bahagi ng mundo at nagdudulot ng pamumuo ng sunod – sunod na malalakas na bagyo sa sumasalanta sa atin.

Kapabayaan at kasakiman ang pangunahing ugat kung bakit nasisira ang mga pinakaiingatan nating yaman. At dama natin ang mataming epekto nito. Sa patuloy pang paglipas ng mga araw, marahil ay wala ng puno at bundok na aakyatin ang mga kabataan. Wala ng dapat sisirin dahil wala na ring laman ang mga karagatang napuno na ng lason. Hindi na makikilala ng susunod na mga henerasyon ang iba’t ibang uri ng hayop dahil binawi na rin sila ng kalikasan. O baka wala na rin tayong matatawag na susunod na henerasyon dahil maging sila ay piñata ng sarili nating kagagawan.

Ngunit kung ito man ang larawan ng kinabukasang kailangan nating harapin kung magpapatuloy ang mga maling Gawain sa kasalukuyan, dapat nating tandaan na tayo ay nasa kasalukuyan pa at marami pa tayong magagawa upang iligtas ang kinabukasan. Kung bawat isa sa atin, ay magtatanim ng isang puno sa kanilang bakuran, mababawasan ang masasamang hangin sa kapaligiran. Kung bawat isa sa atin, makikipagkaisa sa panukala ng ating pamahalaan sa mga proyekto ukol sa kalikasan, masasabi natin na may pag –asa pa ang kinabukasan. At kung bawat isa ay magigising sa katotohanan na ang pagmimina ay hindi sagot sa kumakalam na sikmura at ni hindi ito indikasyon ng isang maunlad na lipunan, mababatid ng lahat na ito lamang ang papatay sa punla ng pag – asang tumutubo sa ating puso’t isipan.

Nagsimula ang kuwento sa ating lalawigang hinubog ng ating pag – asa at marapat din itong magtapos sa islang ito – na maganda at maunlad na bukas ang ngingitian. Nakita na natin ang mapait na sinapit ng ibang lugar at hindi natin dapat payagang mangyari ito sa atin. Isa pa lamang ako sa mga nais magparating na hindi tayo dapat patayin ng dumi ng sarili nating gawi. Tayo at ang ating lalawigan ay nasa isang biyahe lamang, siya ang manibela at tayo ang may hawak nito. Nakasalalay sa atin ang destinasyong dapat marating. Lahat na ito para sa ating lalawigan. SULONG Catandungan!

Note: Essay is composed of 813 words way above the allowed maximum of 500 words.