Resolusyon

eman's picture

Resolusyon kontra rebolusyon na pambagong taon
ni Abet Umil

Saglit hanggang milenyum ang yunit na sumasaklaw sa daigdig at orbit nito.

Pag lipas ng mga araw o siglo, ang mga puno ay nagiging tabla. Ang bundok ay napupulbos. Ang ilog ay nagiging kalsada. Ang kalsada ay nagiging ilog. Ang organismo ay naklu-clone. Ang riyalidad ay nagiging birtwal. Ang panlipunan ay nagiging indibidwal.

E, ang indibidwal, ano kaya ang gustong maging?

Ano pa, e di maging perpekto.

Perpekto, tama. Perpekto.

At para maging epektibo ang pagbabago, binabalik-tanaw ang mga kajologsan at mga sablay na dapat ayusin. Saka ipri-press realease sa mga kaibigan ang bagong magiging japorms at datíng.

Halimbawa, karaniwang mamamayan ako na sawa na sa P382 minimum na kita kada araw, magbibenta ako ng kahulihulihang pag-aari o kaya ay mangungutang kung wala. Para may pambayad sa placement fee at sa lahat ng gastusin sa pag-aplay bilang OFW.

Kung karaniwang boluntir ka sa barangay, na pinagkakaisahan dahil ayaw mong maulingan sa paghawak ng kaldero, syempre, huhubarin na lang ang pot holder. Madali namang mahugas-kamay.

‘Yang mga upisyal nga na binoto ng mga botante sa barangay, munisipyo, lunsod, distrito, probinsya, nagsasawa rin sa lokal na kapangyarihan. Mula sa pagpapatupad ng programa, gusto nilang maging tagapanukala ng batas.

Ang sinuswerteng abogado sa kanila, magiging prosecutor sa Regional Trial Court, o kaya Justice sa Supreme Court.

Tatlong sangay ng gobyerno ang nasubukan na bentahe. Kung ganun, hinog na sila para sa pambansang posisyon.

‘Yan ang mga pinakasaligan o basic new year’s resolution ng karaniwan at makapangyarihan man na mamamayan.

Syempre, kapag OFW na, makalilipat na sa pinaka-disenteng subdibisyon galing looban. Papalitan na ng mga branded ang japorms na ukay. Makabibili na ng pinakabagong model ng selepono, ng Mac na laptop, ng pinakamalutong ang sounds na home theater pamalit sa TV at DVD player. Motorsiklo syempre. Pero ultimatum ang kotse. Natutulungan nga ng OFW ang gobyerno e, pamilya pa kaya?

Ang malas mag-OFW ay pwede rin maging Alvin Flores. O pusher kaya.

Basta dikit at hatag lang kay kapitan, kay mayor, kay colonel, kay gobernador, kay general, kay kongresman, kay senador para balang araw, makapagpatayo ka ng shabu tiangge o kaya e, laboratory.

Kahit illegal industry, nakatutulong din sa national economy.

Nagiging perpek ang mga sablay kapag marami ka nang natutulungan. Kaya kung lalakad ka para tumulong, ba’t mo sasabihing lalakad ka? Syempre, ang dapat mong ideklara ay, “hindi ako tatakbo!”

Maraming disbentahe ang pagtakbo. Papawisan ka lang. Lulusog pa ang pangangatawan.

Pagka ganun, magiging matino ang takbo ng isip. Kapag matino na ang takbo ng isip, aba e, baka lumihis ka sa pang-uuto sa taumbayan. Kapag lumihis sa pang-uuto, malamang hindi ka na maiintindihan ng mga karaket mo sa barangay, sa city hall, sa prisinto, sa kapitolyo, sa kampo, sa kongreso, sa senado. Kapag umabot ka na sa palasyo, tama lang na magkapit-tuko sa trono.

Nagiging mapagmalasakit talaga silang mga kaibigan kapag ikaw na nagpipinaka-perpekto ay nalilihis sa bagong japorms at datíng saka bumabalik sa kajologsan at sablay.

Taliwas sa pagkaperpekto ang pagbaba sa trono. Okey, tama nga na pagbaba sa trono ang tinatadhana ng konstitusyon…

Hinihiling ba ‘kamo ng mga kabalen na maglingkod ka sa kongreso? Pero kung ako ikaw, hindi ako babaling sa kongreso? Sablay ‘yan.

Mas bagay na mamuno kang Prime Minister sa Venus. Kongreso? Halleeer! Mula sa pagkapresidente, madi-demote ka para maging kongresista? Nakabababa ng dignidad ‘yan. ‘Yan ang ikatwiran mo sa mga kabalen. Kongresista sa Filipinas? Sablay ‘yan. Prime Minister ng planeta, oo. ‘Yan ang perpeksyonismo. Pag nagkatotoo, dalhin mo ‘ron ang mga kabalen.

Magnyu-new year’s resolution ka na lang din, ba’t di pa lubuslubusin?

Sa dalawampu’t apat oras na orbit, sinisikatan ng araw at linulubugan ng buwan ang alinmang lupalop sa daigdig.

Sa tuluytuloy na ikot, aabutin ng tatlong daan at animnapu’t lima/anim na araw, saka babalik ang daigdig sa puntong pinanggalingan nito. Sa mainit kapag malapit sa araw. Kapag malayo ay sa malamig. Pero sa bawat pagbalik, iba na ang japorms at datíng ng mga bagaybagay. Walang nauulit, kahit ang bawat bagong taon ay rebolusyon.

Kaya, ba’t iintindihin mo pa ‘yang mga punong nakakalbo, nagiging alikabok na bundok, malupang ilog, matubig na lupa, genetically modified organism, birtwalidad ng riyalidad, pagiging sosyal o panlipunan ng indibidwal? Ang importante, hindi ikaw ang biktima.

Minsan lang tayo dumaan sa mundong ibabaw. Abutin man ng saglit o milenyum, laos ang hindi rumaraket. Ang rebolusyon ay ikot lang ng daigidig sa araw.

Walang salbahe at mabait. Walang impyerno at langit. Ang silbi ng init at lamig ay pagbukurin ang ganda at pangit.

--------------------------------------------------------------------
http://blogs.gmanews.tv/abet-umil/archives/28-Resolusyon-kontra-rebolusy...