“REBOLUSYON”

john_torres's picture

“REBOLUSYON”
(Catanduanes sa Kuko ng mga Dayukdok na Pulitiko)

Ang Catanduanes ay sagana sa likas-yaman. Maliban sa mga natatanging produktong ipinagmamalaki ng probinsiyang ito, ang kanyang lokasyon ay lubos na pinagpala sapagkat siya ay nalagak sa estratehiko at mayamang lugar. Maaari sanang samantalahin ng mga kinauukulan ang natural na potensiyal ng islang-paraisong ito para maiangat ang abang kalagayan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalago sa mga lokal na produkto at pagpapa-unlad sa “world-class” na turismo ng Catanduanes. Ngunit, hindi na ma-maksima ang mga katangiang ito para maiahon ang bayan sa kinasasadlkang kahirapan dahil nanunuot sa sistema ng mga pulitiko ang pagka-gahaman at pangungurakot.

Mangilan-ngilan lang ang nagtatamasa sa karangyaan. Sa pangkalahatan, iilan lamang sa bulto ng mamamayan ang nakakaranas ng kaginhawaan sa buhay. Ngunit, mukha ng kabiguan ang larawang maaaninag sa mayorya ng masang-Katandunganon. Tila baga’y ipinagkait sa taumbayan ang pagkakataong mapaunlad ang antas ng kanilang pamumuhay bilang malayang mamamayan. Para sa ordinaryong Katandunganon, ang paglaya sa tanikala ng kahirapan ay isang mailap na pangarap na kailanma’y hindi makakamtan. Lugmok ang buong probinsiya sa pagdarahop. Katunayan, sa kabila ng kasaganaan sa likas-yaman, isa ang Catanduanes sa pinakamahirap na lugar sa buong Bicolandia at marahil sa buong bansa.

Totoo na madalas hagupitin ng bagyo ang Catanduanes. Ngunit sa personal kong pananaw, mas iniinda ng sambayanan ang hambalos ng pulitikang luom sa korapsiyon at pang-aabuso. Ramdam hanggang sa kaibuturan ang pagkabulok ng sistemang umiiral sa gobyerno. Nananalaytay sa bawat sulok ng pampamahalaang-opisina at mga transaksiyon ang katiwalian. Mas malaki ang ninanakaw kumpara sa tulong na naipamamahagi sa masa. Nanatiling kumakalam ang ating sikmura ngunit ang mga nasa poder ay hindi magkandaugaga sa pagpapaka-bundat sa pera ng bayan. Ginagawa nilang sangkalan ang eleksiyon para mangulimbat at kontrolin ang mga esensyal na kapangyarihan sa pagsulong ng kanilang sariling-interes. Ang kapakanan ng bayan ay lantaran nilang isinasantabi at ang pampamahalaang-opisina ay nagmistulang pribadong gatasang-baka.

Ilan na bang eleksiyon ang dumaan sa ating bayan? Naisalba ba nito sa kumunoy ang sambayanan o lalo lang sumadsad sa kabulukan ang pamahalaan? Sino ba ang nanginginabang sa eleksiyon at pulitika, diba ang mga dayukdok na pulitiko at mga gahamang kapitalista lamang? Hindi naman nagbago ang mukha ng mga kumo-kontrol sa pamahalaan, bagkus naghahalinhinan lamang sila at kanilang mga kamag-anak. Lahat elitista. Lahat mayayaman kaya walang tunay na representasyon ang mahihirap sa pamahalaan. Iisa lamang ang daloy ng grasya, at yan ay patungo sa mga angkan ng mayayaman. Ito ang dahilan sa paglawak ng agwat ng mayaman at mahirap.

Maliban sa lantarang manipulasyon at dayaan sa eleksiyon, namamayagpag ang mga magnanakaw at abusado sa pamahalaan sapagkat tayong mga mahihirap ay nakikipag-sabwatan sa kanila. Tayo rin ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan para salaulain at yurakan ang ating mga karapatan. Nagpapagamit tayo sa kanilang kapritso at panlilinlang. Ipinagbibili natin ang atin sagradong-boto kapalit ng panandaliang kasaganaan na katumbas ng panghabang-buhay na pagkalugmok ng sambayanan sa putikan. Isinasanla natin sa mga demonyo ang kinabukasan ng mga susunod na salinlahi.

Reyalidad na kailanman ay hindi mababago ng eleksiyon ang pangkalahatang-mukha ng ating bayan. Ang eleksiyon bilang rekisito sa pagtatatag ng isang demokratikong estado ay hungkag at walang kabuluhan sapagkat ito ay nagiging instrumento para lalong mapag-ibayo ng mga dayukdok ang paglapastangan sa taumbayan. Hindi na mabilang ang mga pangarap na nasayang. Napakarami ng buhay ang inutang ng sistemang kumikitil sa ating mga demokratikong karapatan. Panahon na para kolektibo tayong kumilos sa pagkamit ng hustisya at demokrasyang pilit na ipinagkakait ng kasalukuyang sistema. Sapagkat tayong mayorya ng mga mamamayan ang may-karapatang idirehe ang kinabukasan ng bayan batay sa ating kagustuhan.

HIndi pa huli ang lahat. Nasa ating mga kamay ang pagbabago at pag-asang hinahanap natin.

REBOLUSYON ang tugon para ating muling mabuo ang mga nawasak na pangarap. Rebolusyong naka-ugat sa pagkukumpuni ng ating moralidad, ekonomiya, edukasyon, pulitika, ideyolohiya at sistema. Higit sa lahat, ang pinaka-mataas na uri ng REBOLUSYON, ang lumubog sa masa at magsilbi sa kanila!

Sa ating pagkakaisa, walang pangarap na hindi natin matatamo. Sa kolektibong pagkilos, tayo ay hindi mabibigo!

Para sa bayan,

John Torres
Tagapangulo, Komite Sentral
PIGLAS-TUGON

Maeng Kanigoan

Jorge O. Macenas's picture

Masisira ulo ng baliw! Mamae na sanang kanigoan!

Sagana ngani sa likas yaman. In fact we in Catanduanes are dirt poor people sitting atop vast wealth. Pero gusto nin iba yung likas yaman na yan pagapara hugam hugamon sana, tanawon sana, pwera dilam, pwera gamiton, pwera pakinabangan.

Rebolusyon

Dave's picture

Kasama ba sa mataas na uri ng Rebolusyon ang pag pataw ng PTC ng NPA?