“PASKONG MAPANGLAW AT PANIBAGONG HAMON SA BAGONG TAON”

john_torres's picture

25 Disyembre 2009

Pagbati!

Wala ng hihigit pa sa kalungkutang nadarama ng sektor OFW at mga pamilya nito tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon. Ang espesyal na pagdiriwang na ito na sana’y magkasalo ang buong pamilya ay pilit na ipinagkait ng sistemang umiiral sa ating lipunan. Sapagkat walang pantay na batas sa paggawa sa Pilipinas kaya tayo ay napilitang hanapin sa dayuhang-lupa ang simple at disenteng pamumuhay. At dahil sa di-maampat na korapsiyon at tuloy-tuloy na pakikipag-sabwatan ng mga nasa poder sa mga abusadong negosyante’t kapitalista, kahit labag sa kalooban, ay mas pinili nating “mag-abroad” para sa kinabukasan ng ating mga mahal sa buhay. Bawat oras at bawat araw, pinapatay tayo ng kalungkutan dahil sa pagkawalay sa ating pamilya sa Pilipinas.

Tunay na walang-saysay ang Pasko at Bagong Taon para sa mayorya ng nagdarahop na Pilipino hangga’t sila ay inaabuso’t ginagawang gatasang-baka ng gobyernong dapat sana’y magbibigay proteksiyon sa kanila. Sa ilalim ng panunungkulan ni Gloria, lalong nalubog ang bayan sa samutsaring iskandalo’t korapsiyong sangkot ang mismong panguluhan at mga alipores nito. Imbes na hawiin ang daan tungo sa matiwasay na lipunan, kaliwa’t kanang bigwas ang iginawad ng gobyerno laban sa mga militante, aktibista at kritiko ng bulok na sistemang tinataguyod ng rehimeng US-Arroyo-Gonzales-Ermita et al. Kasabay ng selebrasyon ng Pasko’t Bagong Taon, sa pagdidirihe ng Malacanang, harapang hinambalos ng COMELEC ang lehitimong kilusan ng mga OFW, ang Migrante Sectoral Partylist para hadlangan at tuluyang ibasura ang ating pagpupunyaging magkaroon ng boses sa kongreso. Ang hakbang na ito ng Malacanang at COMELEC ay tahasang pagdusta sa karapatan ng buong sektor-OFW na pangalagaan at protektahan ang ating interes na lantarang isinasantabi ng kasalukuyang pamahalaan.

Ang taong 2010 ay taon ng panibagong hamon sa ating ng mga OFW’s at ng buong sambayanang Pilipino. Lalo pa nating paiigtingin ang ating pakikibaka at paglubog sa masa. Kaliwa’t kanan mang bigwas ang handog laban sa ating hanay ng sistemang naka-ugat sa Imperyalismong US, Pyudalismo at Burukrata-Kapitalismo, patuloy pa rin nating papalakasin at patataasin ang antas ng ating pakikibaka. Puspusan at ibayong pag-oorganisa, pagpapakilos at pagmumulat sa malawak na masang OFW’s, pamilya at bayan. Lalo pa nating pagliliyabin ang pagnasang makamit ang tunay na pambansang kalayaan at panlipunang-pagbabago! Umaasa kami, sa darating na taon at sa mga susunod pang mga taon na patuloy tayong sama-sama, magtutulungan para sa pagsusulong at pakikibaka ng patriyotismo, demokrasya, kaunlaran at interes ng sambayanan.

WALANG MALIGAYANG PASKO AT BAGONG TAON SA PANUNUNGKULAN NI GLORIA MACAPAGAL-ARROYO!
PATALSIKIN ANG REHIMENG US-ARROYO-GONZALES-ERMITA, et al., SALOT SA SAMBAYANANG PILIPINO!
ITAAS ANG ANTAS NG PAKIKIBAKA PARA SA KALAYAAN AT PANLIPUNANG PAGBABAGO!
LANSAGIN ANG UGAT NG KAHIRAPAN!

Para sa bayan,

(Sgd.) John T. Torres
Spokesperson, Migrante International

(Sgd.) Rodel Macalintal
Media Officer, Migrante International

(Sgd.) Rod Ramirez De Leon
Chairperson, Migrante International
Eastern Region

(Sgd.) Gerry De Guzman
Sec. General, Migrante International
Eastern Region