Pakibasa Kung Aktibista Ka
Ni: Danny Arao
Konteksto
Pinoy Online Weekly
Maniwala ka. Hindi ako katulad mo. Hindi mo dapat gamitin ang salitang “kasama” tuwing kinakausap ako.
At kung ikaw ay isa pang estudyante, mas kailangan mong malaman ang isang napakahalagang bagay: Hindi mo dapat sundan ang mga yapak ko. Oo, marangal na mga propesyon ang pinili ko – ang pagiging propesor at peryodista – at patuloy kong pinaghuhusay ang aking kakayahan sa dalawang larangang ito.
Katulad mo, pinipilit kong maging makabuluhan ang aking buhay. Pero ang misyon mo ay higit pa sa akin. Kung may ambisyon kang maging propesor at peryodista, kailangan mong tandaang puwede mong gawin ang pagtuturo’t pagsusulat pero sa iba’t mas mataas na antas.
Sadyang ibang-iba ka sa akin kahit na masasabing pareho tayong progresibo. Kung ako ay nagtatrabaho, ikaw ay kumikilos. Kung ako ay pumapasok sa opisina’t nakatakda ang mga dapat matapos, ikaw ay napapadpad sa kung saan-saan para gumampan ng iba’t ibang gawain. Kung ako ay mistulang alipin ng oras, ikaw ay mistulang tagapagsilbi ng sambayanan at mahirap na tawaging alipin ninuman.
Pero sa kabila ng ating pagkakaiba, may mga ipinaglalaban akong pareho ng sa iyo. Siguro’y sang-ayon ka rin sa karamihan ng mga opinyon ko. Posible ngang isa ka sa ilang aktibistang nagsabi sa akin noong namulat dahil sa pagbabasa ng ilang sinulat ko.
Kung sakaling namulat kita sa ating parehong interpretasyon ng katotohanan, maraming salamat. Kahit paano’y napapagaan nito ang mabigat na trabahong hatid ng paggampan ng dalawang propesyong pinili ko. Ikaw ang malinaw na ebidensiyang dapat ko lang ipagpatuloy ang klase ng progresibong pagtuturo’t peryodismong ginagawa ko, sa kabila ng hirap na dulot nito.
Pero ang sanaysay na ito’y hindi tungkol sa akin, kundi tungkol sa iyo. Sa panahong ito, iba ang pagtingin ng publiko sa aktibistang katulad mo. Sa mata ng mga nasa kapangyarihan, salot ang mga katulad mong dapat puksain at ubusin. Para sa nakararaming mamamayan, kapansin-pansin ang pagkawala ng kultura ng protesta dahil sa mga institusyong ang pangunahing layunin, lantaran man o hindi, ay protektahan ang kasalukuyang panlipunang kaayusan.
Ang kultura ng protestang nagsimula noong panahon ng dayuhang pananakop ay napalitan ng kultura ng karahasan laban sa mga naninindigan para sa makabuluhang pagbabago. Maraming aktibista’t peryodistang pinatay sa mga nagdaang taon, at malinaw sa mga estadistikang ang pinakamalaking bilang ay sa ilalim ng administrasyong Macapagal-Arroyo.
Sadyang nakakalungkot ang pagdating ng balitang may mga tinakot, dinukot o pinatay sa hanay ninyo. Aminin mo man o hindi, maaaring pinagmumulan ito ng away sa pamilya hinggil sa buhay na tinahak mo. “Anak, ano ka ba naman? Gusto mo na bang magpakamatay? Hindi kita pinalaki para lang sirain ang buhay mo sa mga bagay na walang katuturan!”
Alam mong kakaunti lang ang nakakaintindi ng konsepto’t esensiya ng aktibismo, kaya nga mabilis itong na naibebenta ng gobyerno, lalo na ng militar, ang ideyang ang mga aktibista ay komunista.
At kapag komunista, maaaring gawin ang walang pakundangang paglabag sa karapatan, kahit na nangangahulugan ito ng pagpaslang. At kapag pinatay na, maaaring itago sa publiko ang karumal-dumal na krimen sa pamamagitan ng pagtatapon ng bangkay sa mababaw na hukay o malalim na ilog.
Pero sa kabila nito, alam mong kailanman ay hindi maibabaon sa limot ang kasaysayan ng pakikibaka, anuman ang gawin ng mga nasa kapangyarihan. Patuloy na may saysay ang mga aktibistang dinukot at pinaslang dahil mayroon at mayroon pa ring gagampan ng kanilang mga naiwang gawain. Patuloy na babanggitin ang kanilang pangalan at paparangalan ang kanilang kabayanihan. Patuloy na mararamdaman ang kanilang presensiya sa lahat ng porma ng pagkilos.
Kahit na hindi kinikilala ng marami ang klase ng buhay na mayroon ka, alam mong kasaysayan ang maghuhusga sa iyo. Darating ang panahong magiging malaking karangalan ang matawag na aktibista sa lipunang ito. Ipagmamalaki ng iyong pamilyang kasalukuyang hindi nakakaintindi sa iyo ang pagkakaroon ng isang katulad mo.
Sa gitna ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, hayaan mong batiin kita ng ”mabuhay” sa matalinghaga’ t literal na kahulugan nito.
At sa pagtatapos ng sanaysay na ito, alam kong may posibilidad na ikaw (ang aking seryosong mambabasa) ay hindi aktibista. Kung umabot ka sa talatang ito, ibig sabihin ba nito’y mayroon kang interes sa buhay-aktibista? Sana naman, dahil lubhang kinakailangan sa pagkilos ngayon hindi lang ang pagpapalalim ng isip kundi pagpaparami ng hanay.
Hindi pa huli ang lahat para sumali. At ngayong tapos na ang sanaysay, maaari nang magnilay-nilay.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao. com.
Hindi mo dapat ako tawaging “kasama”.
Tama ka. Hindi mo ako katulad. Tama ka. Hindi mo dapat ako tawaging “kasama”.
Malaki ang pagkakaiba nating dalawa.
Ako..
Binabatikos ko kung alam kung mali ang ginagawa.
Pinupuri ko naman kung alam kung tama ang ginagawa.
Ikaw.. kayo..
Di na alam kung saan sayo lulugar.
May gawing mali ang gobyerno, RALLY ikaw.. RALLY kayo..
May gawing tama ang gobyerno, KULANG sayo.. KULANG sainyo.. RALLY ka.. RALLY naman kayo..
Hindi ka marunong masiyahan. Hindi kayo marunong masiyahan.
Mahilig ka sa conspiracy theories. Ilang beses na nating narinig ang doomsday predictions nila??? May nagkatotoo ba kahit isa???
WALA!!!
Alam mo.. Alam ninyo..
Hindi nakakatulong ang pag-rarally mo.. ang pagrarally ninyo.. dahil tinatakot mo.. tinatakot nyo… lang ang mga investors.
Sumisigaw ka ng pagkain!
Sumisigaw ka ng trabaho!
Ang dami mo hinihingi sa gobyerno. Pero kung aalis naman ang mga investors, walang TRABAHO at walang PAGKAIN. Tapos sisisihin mo ang gobyerno.
Point taken kung walang aktibista, hindi matatangal si marcos at si erap.
PERO HUWAG NAMANG ABUSUHIN!!!
Batikusin kung mali ang gnagawa, purihin kung tama ang ginagwa.
Tigilan ang mga haka-haka.
Walang buti itong magagawa sa ating bansa.
Aktibista ako
ni Roger Cabiles
Aktibista ako kahit hindi ako sumasama at sumisigaw sa mga rally.
Aktibista ako kahit hindi ako pumupunta sa mga Educational
Discussion at forums. Aktibista ako kahit hindi ako tumutulong sa
paggawa ng mga paraphernalia sa pagsulong ng iba't ibang agenda at
propaganda.
Aktibista ako dahil may sarili akong paniniwala, may sarili akong
paninindigan at may sarili akong prinsipyo na isinasabuhay ko sa lahat
ng pagkakataon.
Aktibista ako dahil matibay ang paniniwala ko. Paniniwalang hindi madaling mabali.
Paniniwalang hindi madaling masira. Hindi ako madaling madala ng mga tao at
konseptong alam kong hindi para sa akin. Ngunit hindi hadlang ang
katibayan ng paniniwalang iyon upang isara ko ang aking isip sa ideya
ng iba. Bukas ako sa pakikinig sa kanila. At ginagalang ko anumang
paniniwala mayroon sila dahil bawat indibidwal ay may sari-sariling
paniniwala, may sariling sagot sa iba't ibang problema.. Maaaring hindi
ako palagi ang tama at may punto ang sinasabi nila kung kaya naman
hindi ko hinahayaang magpakabingi at magpakabulag ako sa mga
bagay-bagay.
Aktibista ako hindi dahil sinisigaw ko ang paniniwala ko sa isang tao.
Paano kung mabingi ang taong sinisigawan ko? Paano niya maririnig ang
mga hinaing ko? Sa katahimikan ng aking sarili matatagpuan ang
kalaliman ng aking adhikaing iparating at matugunan ang aking hinaing.
Aktibista ako hindi dahil sa pula ako o asul, itim o puti. Hindi dahil
neutral ako- ayaw ko lamang magpakahon sa mga kulay na ito.
Malilimitahan nito ang aking pag-iisip at kamalayan. Mabubulag ako sa
katotohanan at tanging ang kulay lamang na iyon ang aking matitingnan.
Hindi magandang mamuhay nang iisa ang kulay. masyadong homogenous.
Masarap mamuhay sa mundong makulay di ba?
Aktibista ako hindi dahil hindi ako nagkukunwaring alam ko ang lahat at
naiintindihan ko ang lahat ng mga isyu magmula sa ibaba- pataas.
Inaaamin kong limitado ang kaalaman ko pero gusto ko at handa akong
matuto. Sino bang tao ang alam lahat ng isyu at ang mga iba't ibang
paniniwala ukol dito?
Aktibista ako hindi dahil may paninindigan ako sa lahat ng isyu. Ang
totoo, pinag-aaralan ko munang mabuti ang isyu bago ako magsabi ng
paninindigan ko. Ayaw kong magpadalos-dalos sa pagdedesisyon. Gusto
kong manuri. Gusto kong maging kritikal. Dadating ang panahon,
magkakaroon ako ng paninindigan ukol sa isang isyu at tiwala akong
nakalinya ito sa prinsipyo at paniniwala ko.
Aktibista ako hindi dahil ginagamit ko ang kaalaman ko upang diktahan
ang isang tao. Ginagamit ko ang kaalaman ko upang ipaliwanag at
ipaunawa ang isang konsepto o isyu. Hindi ako diktador na nagsasabi at
nagpipilit ng kung ano ang dapat at hindi dapat dahil naniniwala akong
bawat tao, may sariling pag-iisip, may sariling paniniwala at may
sariling desisyon.
Akitibista ako hindi dahil taga-UP ako o dahil taga CSWCD ako.
Aktibista ako dahil bago ako naging taga UP at CSWCD, tao ako na
biniyayaan ng isip at puso. Aktibong taong binigyan ng kalayaang mamili
at magpasya. Nag-uugat sa pag-asa at katarungan ang mga paniniwala ko.
Nakakabit sa pagmamahal ang mga prinsipyo ko. Lahat ng ito,
isinasabuhay ko.
Nakulong sa isang kahon ang salitang 'aktibismo' at 'aktibista'. Sa
karanasan ko, ilang ulit na akong pinigilan (hindi man garapalan) ng
ilang taong matawag ko ang aking sarili na isang aktibista dahil hindi
ko naabot ang criteria nila. Ngunit sa sarili ko, alam ko na walang
karapatan ang sinumang lagyan ng criteria ang isang aktibista. Walang
karapatan ang siumang ikahon ang tunay na diwa ng aktibismo; na pilit
itago ang tunay na hangarin ng mga TOTOONG aktibista; na pilit iwaksi
ang pamanang dumaloy sa batis ng kasaysayan. Hangarin kong mangyari sa
'aktibismo' ang isa sa mga pinaglalaban nito- kalayaan. Mapalaya nawa
ang 'aktibismo' sa ilang kumokontrol nito.
Aktibista ako dahil tao ako. Inuupuan ko ang isang idea, konsepto o
isyu upang analisahin at pag-aralan; lumuluhod ako upang suriin,
pagmuni-munihan ang pagnilayan ang aking magiging desisyon; tumatayo
ako upang panindigan ang aking paniniwala; at naglalakad ako upang
ipaglaban ito. Hindi sapat na umupo. Hindi sapat na lumuhod. Hindi
sapat na maglakad. At hindi sapat na tumayo. Lahat ito, ginagawa ko.
AKTIBISTA AKO.