PIGLAS-TUGON INTERNASYUNAL
(Pinag-Isang Galing at Lakas Tungo sa Ugnayang Tawag ng Panahon)
Internasyunal na Tanggapan
Benghazi, Libya
PAHAYAG SA MIDYA
16 Setyembre 2009
“HINDI IPINAGBIBILI ANG KALIGTASAN NG MASA AT WALANG KATUMBAS NA PERA ANG PROTEKSYON SA KALIKASAN”
Marubdob na nakikiisa ang buong pamunuan at Komite Sentral ng PIGLAS-TUGON sa malawak na sektor ng lipunang tumututol sa napipintong operasyon ng Coal Mining sa Catanduanes.
Ang naka-ambang paggahasa sa ating likas-na-yaman ay bunga lamang ng pinaigting na “Mining Revitalization Program at Mineral Action Plan” ng pamahalaan ni GMA na may layuning palakasin ang kapangyarihan ng Mining Act bilang batas; pabilisin ang pagproseso at pag-apruba ng mga aplikasyon at proyekto ng mining TNC’s; at supilin ang malawak na hanay ng mamamayang tumututol sa operasyon ng pagmimina.
Ang nakatakdang pagsasalaula ng Monte Oro sa ating kalikasan ay bunsod ng pakikipagsabwatan ng gobyerno sa mga negosyante’t kapiltalista. Hindi para sa kagalingan ng taumbayan ang operasyon ng pagmimina, bagkus ang pangunahing mithi ng mga nasa poder ay magpaka-bundat at maisakatuparan ang kanilang personal na kapritso at pansariling interes. Sa usaping ito, tahasang naisantabi ang kaligtasan at kalusugan ng nagdarahop na masa. Binalewala rin ang panganib at polusyong dala ng naka-ambang pansasalaulang ito sa ating kalikasan.
Sa ating karanasan, hungkag sa katotohanan ang pinangangalandakan ng mga “eksperto” kuno na magbibigay ng biyaya sa mamamayan ang operasyon ng pagmimina. Diumano’y makapagpapalago ito sa ating sadsad na ekonomiya. Ito ay ilusyon lamang sapagkat base sa pinakahuling datos, lalong lumiliit ang kontribusyon ng industriya ng pagmimina sa ating ekonomiya (1.6% GDP at 0.34% total employment). Sumirit sa pinaka-mababang antas ang kita ng gobyerno mula sa industriyang ito dahil na rin sa insentibong binibigay sa mga kapitalista. Lumaki ang depisit sa kalakalan ng mga produktong mineral na dumagdag sa pangkalahatang-krisis pampinansiya ng pamahalaan. Naging tuntungan pa ito ng sumisidhing korapsiyon sa gobyerno kung saan ang mga matataas na opisyales ang pangunahing nanginginabang sa mga suhol at lagay ng mga negosyante’t kapitalista.
Ang sustainable mining na bina-bandera ng mga gahamang negosyante’t mga kasapakat nito sa gobyerno ay lumang tugtugin na. Sa kasaysayan ng Mining Industry sa ating bansa, nananatiling walang paglilinis at rehabilitasyon sa mga lugar kung saan ginawa ang mga pagmimina. Sinasaid nila ang ating “mineral deposits” at pakatapos ng operasyon ay kusang ina-abandona nila ang lugar kasabay ng pag-iwan sa mga nakalalasong kemikal na sanhi ng polusyon, pagkakasakit at kadalasaya’y kamatayan ng ating mga kababayan.
Asahan natin, kung hindi tayo kikilos laban sa napipintong operasyon ng Monte Oro sa Catanduanes, lalong malulugmok ang dati nang abang-kalagayan ng masa at ng ating bayan. Kakambal na rin ng paggahasa sa ating kalikasan ay ang mga sumusunod:
1. Pandarahas, pananakit at pagpapatay ng gobyerno gamit ang reaksyunaryong pulis at militar sa mga inidbidwal at grupong mahigpit na tumututol sa operasyon ng pagmimina. Nangyari na ito sa mga lugar kung saan aktibo ang pangagahasa sa likas-yaman. Noong Oktobre 2007, naitala na 23-katao (environmentalists) ang pinatay at 19 dito ay mga anti-Mining. Naniniwala na sa pinaka-huling datos, lomobo na ng halos doble ang mga pinaslang;
2. Dislokasyon ng mga mamamayang naninirahan na sakop ng eryang pagmiminahan;
3. Pagkasira ang ating pinagkukunan ng kabuhayan at pagkalason ng ating kalikasan;
4. Malawakang korapsiyon.
Kung sa ganun, makatwiran ang ating panawagan para wakasan ang pagpatay at paglason sa ating kapaligiran.
Kapit-bisig tayo sa pagkilos laban sa napipintong pagsalaula sa ating kalikasan!
Palakasin ang pakikibaka ng masa sa mga lokalidad laban sa kompanyang magmimina at mga lokal na kasabwat nito!
Ibasura ang planong pagmina sa deposito ng Coal sa Catanduanes!
Para sa bayan,
Donna Quintana
Opisyal na Tagapagsalita
PIGLAS-TUGON Internasyunal
Benghazi, Libya
16 Setyembre 2009
Email: donna_quintanapti@yahoo.com
Sumali sa: PIGLAS_TUGON-INTERNASYUNAL@YAHOOGROUPS.COM
Recent comments
1 day 16 hours ago
1 week 4 days ago
1 week 6 days ago
1 week 6 days ago
2 weeks 2 days ago
2 weeks 6 days ago
3 weeks 1 day ago
3 weeks 1 day ago
4 weeks 5 hours ago
5 weeks 1 day ago