Ang Kuwento ng Tatlong Puno

man-uukag's picture

Minsan may tatlong punong-kahoy sa gitna ng kagubatan. Pinag-uusapan ng mga ito ang kani-kanilang mga ninanais at pinapangarap.

Sabi ng isang puno: “Balang araw nais kong maging isang baul ng kayamanan. Maaari itong punuin ng ginto, pilak at mamahaling hiyas. Maaari din itong palibutan ng magagandang palamuti upang makita ng lahat ang kagandahan nito.”

Sabi naman ng ikalawang puno: “Balang araw, ako ay magiging isang malaking sasakyang-dagat. Isasakay ko ang mga Hari at Reyna upang ilayag sa iba’t-ibang dako ng mundo. Ang lahat ay magiging palagay sa akin, dahil sa tibay ng aking kasko.”

At sinabi naman ng pangatlong puno: “Nais kong lumaki na pinakamatayog at pinakatuwid na puno sa kagubatan. Makikita ako ng lahat sa gitna ng kabukiran at mabibighani ang lahat sa dami ng aking sanga, at maaalala nila ang langit at ang Diyos; kung gaano ako kalapit na maabot ito. Ako ang magiging pinakamahalagang puno sa buong mundo at hahangaan ako ng lahat.”

Lumipas ang mga panahon at ang mga taimtim na pagdarasal para sa katuparan ng kanilang mga pangarap. Isang araw nakita ang tatlong puno ng isang grupo ng mga mangangahoy.

Sinipat ng isa ang unang puno, “Mukhang maganda ang punong ito, palagay ko maibebenta ko ito sa aking kaibigang karpintero,” at sinimulan itong putulin. Maligaya ang unang puno dahil batid nitong matutupad ang kanyang pangarap at gagawing itong isang magandang baul.

Sa pangalawang puno, nasabi ng mangangahoy na “Mukhang matibay ang punong ito, palagay ko maibebenta ko ito sa pantalan.” Tuwang-tuwa ang pangalawang puno dahil matutupad na ang pangarap nito kapag napasakamay na siya ng mga gumagawa ng sasakyang-dagat sa pantalan.

Nang mapunta ang isa pang mangangahoy sa pangatlong puno, kinabahan ang puno - dahil batid nito na kapag ito'y pinutol – maglalaho lahat ang kanyang mga pangarap. Sinabi ng mangangahoy na “Wala pa naman akong mahalagang pag-gagamitan sa aking kahoy kaya ito na lamang ang kukunin ko”, at pinutol na nga ang pangatlong kahoy.

Nang mapasakamay ng karpintero ang unang puno, ginawa niya itong lalagyan ng pagkain para sa mga alaga niyang mga hayop, at inilagay ito sa isang kamalig. Nanlumo ang puno dahil hindi ito ang kanyang pinangarap.

Ang pangalawang puno naman ay piniraso at ginawang isang katamtamang bangka ng isang mangingisda sa pantalan. Nanlumo din ito dahil ang kanyang pangarap na maging malaking sasakyang-dagat, at pagkakataon na maisakay ang mga hari at reyna ay naglaho.

Ang pangatlong puno naman ay ginawang tablon at inimbak lang sa isang madilim na bodega.

Dumaan ang panahon at kinalimutan na ng tatlong puno ang kani-kanilang mga pangarap.
Isang araw, isang lalaki at babae ang napagawi sa kamalig... Nanganak ang babae at inilagay ang anak nito sa sabsaban na gawa sa unang puno. Ninais ng lalaki na gumawa ng isang munting kuna subalit ginamit na lamang ang sabsaban pansamantala. Naramdaman ng unang puno ang kahalagahan ng pangyayari at natanto nito na inilagay sa kanya ang pinakamahalagang kayamanan ng sanlibutan.

Lumipas ang ilang taon, isang grupo naman ang napasakay sa bangka na yari sa pangalawang kahoy. At habang naglalayag ay napaidlip ang isang lalaking sakay nito. Habang nasa kalagitnaan sila ng dagat, isang bagyo ang kanilang nadaanan na ikinabahala ng puno. Inisip nito na hindi na siya gaanong katibay upang masigurong ligtas ang mga sakay nito. Ginising ng kanyang mga kasamahan ang natutulog na lalaki. Tumayo Siya at nagpahayag... “Katahimikan” at ang bagyo’y nawala. At ng mga oras na iyon natanto ng pangalawang puno na sakay nito ang Hari ng mga Hari sa kanyang munting bangka.

Sa pagdaan pa ng panahon, kinuha naman ang pangatlong puno sa bodega. Pinasan ang puno sa mga kalsada at habang nasa daan ay kinunutya ng mga tao ang may pasan dito. At nang sila’y tumigil, ipinako ang Lalaki sa puno; itinayo ang puno sa burol, at hinayaan ang Lalaki na mamatay dito. Hanggang sa dumating ang linggo, napagtanto ng pangatlong puno na naging matibay ito at nanatiling nakatayo sa gitna ng burol habang kapiling ang anak ng Diyos, dahil dito ipinako ang anak Niyang si Hesus.

Ang aral ng kuwentong ito ay... kung ang mga pangyayari ay hindi naaayon sa iyong inaasam, laging tatandaan na may nakalaan ang Diyos para sa iyo. Kung mananalig tayo sa Kanya, may nakalaan Itong gantimpala para sa bawat isa sa atin.

Nakamit ng tatlong puno ang kanilang inaasam, hindi lang ayon sa paraang kanilang iniisip.

Hindi natin alam kung ano ang inilaan sa atin ng Diyos. Ang tanging maasahan natin: “Ang paraan Niya ay hindi laging parehas ng sa atin, subalit ang paraan Niya ang siyang pinakamainam para sa atin.”

Ibahagi po natin ang kuwentong ito sa iba, upang magsilbing inspirasyon ang Panginoon sa iba pang madaraanan ng kuwentong ito.

Isang mapagpalang araw sa lahat... Nawa’y iduyan tayo sa mapag-arugang pagpapala ng Maykapal.

Image courtesy of: extension.entm.purdue.edu/.../index

AMEN

ilaya's picture

AMEN AND PRAISE GOD!! GIVE US PEACE AND LOVE!!!!